
Binigyang-diin nina House Assistant Majority Leaders Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur at Jude Acidre ng Tingog Party-list na hindi dapat ituring na biktima si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Mensahe ito nina Adiong at Acidre makaraang iparesto ng International Criminal Court (ICC) si dating pangulong Duterte na ngayon ay nasa The Netherlands na para humarap sa paglilitis.
Panawagan nina Adiong at Acidre sa publiko, ituon ang pansin sa tunay na isyu patungkol sa mga tunay biktima na libo-libong nasawi dahil sa kaliwa’t kanang extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng war on drugs na ikinasa ng Duterte administration.
Ayon kina Adiong at Acidre, bagama’t isang mahalagang hakbang patungo sa pananagutan ang pag-aresto kay Duterte ay hindi dapat ito maging dahilan upang makalimutan ang pagdurusa ng mga pamilya ng mga biktima na hanggang ngayon ay wala pang nakakamit na hustisya.