Bagong storage facility na magpapasigla sa industriya ng mais, livestock at poultry, binuksan sa Batangas City

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon ng SIDC Grains Terminal and Trading Project sa Batangas City.

Ito ang magsisilbing imbakan, at magsasagawa ng procurement at trading ng mais na pangunahing hilaw na materyal para sa produksyon ng feed.

Konektado rin ito sa kasalukuyang operasyon ng feed mill ng kooperatiba upang matiyak ang kalidad ng mga produktong inaalok sa mga miyembro nito sa industriya ng manok at baboy.


Ayon kay Pangulong Marcos, ang SIDC ay modelo ng kaunlaran na makikipagsabayan sa malalaking negosyo at magpatayo ng malalaking pasilidad.

Hanga rin ang Pangulo sa maayos na pagpapatakbo ng SIDC mula sa pagtulong sa kanilang mga miyembro at sa industriya.

Kaya naman hinimok nito ang mga magsasaka, mangingisda at iba pang sektor na bumuo at palakasin ang kanilang mga kooperatiba kasabay ang pagtiyak sa buong suporta ng pamahalaan.

Naniniwala ang Pangulo na sa pagtutulungan ay mas maraming hangarin ang matutupad at mas mabibigyan ng oportunidad ang mga magsasaka.

Facebook Comments