
Pursigido si Senate President pro-tempore Ping Lacson na ilahad sa sesyon sa darating na Lunes, May 4, ang progress report ng mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa maanomalyang flood control projects.
Ito ay kahit pa kinukwestyon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang atensyong ibinibigay niya sa partial committee report na bahagya pa lang ang natutuklasan sa halip na tingnan ang kabuuan.
Ayon kay Lacson, desidido siyang i-report sa plenaryo ang nilalaman at kung hanggang saan ang nagawa ng BRC matapos ang walong pagdinig.
May dahilan aniya kung bakit niya ito gagawin, ito ay dahil nararapat lamang na malaman ng mga Pilipino ang katotohanan sa kabila ng mga false narratives na pinalulutang ng ilang mga kritiko na pinipili lang nila ang mga hahabulin at pananagutin sa katiwalian.
Nilinaw din ni Lacson na ang pagpirma sa partial committee report sa imbestigasyon sa flood control ay hindi nangangahulugan ng pag-sang-ayon kundi kundi pagbibigay daan lamang para ito ay maiulat sa plenaryo at mapagdebatehan, maamyendahan at tuluyang pagtibayin.
Dahil kulang sa kailangang lagda, ang ihaharap ni Lacson sa pagbabalik-sesyon ay ang Chairman’s Progress Report na naglalaman ng partial committee report at ihahatid niya ito sa pamamagitan ng privilege speech.










