
Pinadalhan na ng subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong vloggers na inirereklamo dahil sa pagpapakalat umano ng maling impormasyon tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kinilala ni Palace Press Officer Claire Castro ang mga ito na sina Rigondola Ping, Crage Anderpal, at Iloy Bugris.
Ayon kay Castro, ipinasa na ng Presidential Communications Office (PCO) sa NBI ang mga dokumentong may kaugnayan sa reklamo para sa mas malalim na imbestigasyon.
Batay sa reklamo, nag-live umano si Iloy Bugris sa social media at sinabing kritikal ang kalagayan ng Pangulo.
Si Rigondola Ping at Crage Anderpal naman ay nag-edit ng larawan at nagbahagi ng pekeng graphics upang palabasing malubha ang kalusugan ng Pangulo.
Binigyang-diin ni Castro na tuloy-tuloy ang aksyon ng pamahalaan laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon.










