Wednesday, July 1, 2026

Grupong “764” sa Texas, USA, iniuugnay sa marahas na school shooting sa Tacloban City

Iniuugnay ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa grupong tinatawag na “764” ang marahas na pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.

Ipinagpatuloy ngayong araw ang imbestigasyon sa epekto ng mga online gaming platforms kung saan isinama rito ang pagsisiyasat sa nangyaring school shooting sa Tacloban City noong June 22.

Sa pagdinig, tinukoy ni Senate Committee on Women Chairperson Risa Hontiveros na ang grupong “764” ay nagsimula sa Texas, USA ng isang 15 taong gulang na si Bradley Cadenhead na naimpluwensyahan ng isang nakilala sa online game na Minecraft.

Batay aniya sa Federal Bureau of Investigation (FBI), ang modus ng grupong ito, maghanap ng mga vulnerable minors sa online para hikayatin na gumawa ng mga kahindik-hindik na bagay.

Tinukoy din ni Hontiveros na global na ang sakop ng “764” kung saan sa Canada ay idineklara na itong “terrorist group” habang sa Estados Unidos ay tinawag na ito ng FBI at US Department of Justice na isang “national security threat”.

Nakita ang posibleng kaugnayan ng “764” sa isa sa Tacloban suspect na si alias Nash na may suot na KMFDM shirt.

Paglilinaw ni Hontiveros, ang KMFDM ay isang banda at hindi ito sangkot sa grupong 764 subalit karamihan ng mga miyembro ng grupong ito ay nagsusuot ng t-shirt ng banda bilang pagbibigay pugay sa Columbine killer.

Dumalo ngayon sa pagdinig ng komite sa pamamagitan ng online ang mga magulang ng mga estudyanteng nasawi na sina Chris Lorenz Fabian at Joyancee Separa habang personal namang dumalo sa pagdinig ang magulang at kapatid ng mga biktimang kasalukuyang nasa ospital.

Facebook Comments