Monday, June 29, 2026

Mga sangkot sa anomalya noong nakaraang administrasyon sa Manila LGU, sinisigurong mananagot sa batas

Sinisiguro ng lokal na pamahalaan ng Maynila na pananagutin nito ang mga nasa likod ng mga anomalyang nangyari noong nakaraang administrasyon na nagdulot ng pagkakabaon sa utang ng lungsod.
 
Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, hinihintay na lamang nila ang paglalabas ng warrant of arrest laban sa apat na dating opisyal na una na nilang sinampahan ng kaso sa Ombudsman.
 
Ipinaliwanag ng alkalde na marami pa sana silang maaaring isama sa kaso na sangkot sa mga anomalya, ngunit naghihinay-hinay lamang sila dahil ayaw nilang maghain ng kaso batay lamang sa haka-haka.
 
Ilan sa mga anomalyang ito ay ang paggastos ng nakaraang administrasyon ng P200 milyon hanggang P447 milyon kada buwan para sa sahod ng mga job order (JO) na empleyado, na katumbas ng bilyong halaga sa loob ng isang taon.
 
Pero, karamihan sa mga JO ay hindi tama ang natatanggap na sahod, kung saan hindi maipaliwanag kung bakit kulang ito at kung saan napupunta ang pera.
 
Sa kasalukuyan, nasa P50 milyon hanggang P80 milyon kada buwan ang inilalabas ng Manila LGU para sa sahod ng mga JO na naghahakot ng basura, naglilinis ng mga halaman, nagmamando ng trapiko, nagpuputol ng damo, at naglilinis ng mga kanal.

Facebook Comments