BANGLADESH – Dahil sa paraan ng pagdidisplina, sinuspinde ang isang guro sa bayan ng Baraigram makaraang gupitan ng buhok ang halos 50 estudyante.
Gamit ang isang barber’s scissors, bigla umanong ginupitan ni Sekandar Ali, headmaster sa Joari High School, ang mga lalaking may mahabang buhok, nitong Linggo ng hapon.
Ayon sa pulisya, na-injure raw ang ilang mga mag-aaral sa naturang pangyayari.
Dagdag pa ng awtoridad, nagdulot ng pangamba sa maraming bata ang aksyon ng 60-anyos na guro.
Sumiklab ng malawakang kilos-protesta ang insidente na pinangunahan ng mga mag-aaral, magulang, at residente sa nasabing lugar. Panawagan nila sa lokal na pamahalaan, patawan ng kaukulang parusa si Ali.
Batay sa imbestigasyon, makaluma raw ang pag-iisip ng titser at nais lamang parusahan ang mga lalaki bunsod ng pagkakaroon ng mahabang buhok.
Suspendido ngayon si Ali matapos magsampa ng reklamo ang mga estudyanteng dinisiplina sa kinauukulan.
Isang komite na rin ang binuo ng lokal na gobyerno para siyasatin ang pangyayari.
Taong 2011 nang ipagbawal sa Bangladesh ang corporal punishment kasunod ng mga estudyanteng nalagay sa alanganin ang buhay bunsod ng caning o pamamalo.
Kung mapatunayang nagkasala, puwedeng matanggal sa serbisyo ang guro at sasampahan ng kasong kriminal.