Pansamantalang ihihinto ang trabaho sa lahat ng tanggapan ng Dagupan City Government sa darating na Abril 30, 2026, mula alas-1:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi, bilang paghahanda at pagbibigay-daan sa isasagawang Bangusan Street Party sa kahabaan ng De Venecia Highway.
Batay sa ipinalabas na Executive Order No. 18, layunin ng hakbang na masiguro ang maayos, ligtas, at masayang pagdaraos ng isa sa mga pangunahing aktibidad ng Bangus Festival, na inaasahang dadaluhan ng malaking bilang ng mga residente at bisita.
Sa kabila ng pansamantalang suspensyon, mananatiling bukas ang mga tanggapan na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo tulad ng kalusugan, disaster response, traffic management, at peace and order. Magpapatupad ang mga ito ng skeletal workforce upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.
Samantala, ipinaubaya sa mga pribadong kumpanya at tanggapan ang desisyon kung magpapatupad ng half-day work schedule.
Hinihikayat ang publiko na makiisa sa pagdiriwang ng Kalutan ed Dalan, kasabay ng paalala na panatilihin ang disiplina at sundin ang mga alituntunin sa kaligtasan upang maging maayos at matagumpay ang selebrasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










