
Aabot sa halos P137 million na halaga ng iba’t ibang mga produkto ang ipinresinta ng Bureau of Customs (BOC) matapos makumpiska sa Port of Manila.
Ayon sa BOC, nasa 25 na container na naka-consign sa isang construction supplies trading company na nagmula umano ng China ang kanilang hinarang.
Lumalabas sa imbestigasyon na idineklarang plastic racks ang laman ng mga container pero nadiskubreng may karga itong mga bigas at asukal na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso.
Bukod pa rito, natuklasan din ang mga kemikal, mga damit, electronics, pharmaceutical products, cosmetics at iba pang produktong maaaring magdulot ng panganib sa mamimili.
Pinangunahan ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang pag-inspeksiyon sa mga nakumpiskang produkto.
Sabi ni Nepomuceno, bukod sa nawawalan ng kita ang gobyerno sa mga ipinupuslit na produkto ay nalalagay din sa panganib ang mga Pilipino at mga negosyo.










