
Sinuspinde ng National Housing Authority (NHA) ang paniningil ng housing amortization sa mga benepisyaryo nito sa Mindanao na naapektuhan ng lindol.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, inanunsyo ni NHA General Manager Joeben Tai, libre muna sa bayad ang mga apektadong benepisyaryo sa buong buwan ng Hunyo upang matulungan silang makabangon mula sa kalamidad.
Wala ring ipapataw na interes o multa habang umiiral ang moratorium, at sa Hulyo na muling magpapatuloy ang pagbabayad.
Posible rin aniyang palawigin ang programa depende sa magiging resulta ng patuloy na pagsusuri sa pinsalang dulot ng lindol sa iba’t ibang lugar sa Mindanao.
Samantala, maaari ring makinabang ang mga apektadong pamilya sa Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng NHA na nagbibigay ng ayudang P10,000 hanggang P30,000 para sa mga bahay na bahagya o lubusang nasira ng lindol.










