
Walang balak si Senator Raffy Tulfo na tumakbo sa pagka-pangulo sa 2028.
Ito ang sagot ni Sen. Raffy matapos na mag-tie sila sa Pulse Asia survey ni Vice President Sara Duterte sa 46% para sa one-on-one mock elections sa pagka-presidente.
Ayon kay Tulfo, nagagampanan niyang mabuti ang kaniyang trabaho at mas marami siyang nagagawa bilang senador kaya asahan na sa susunod na halalan ay tatakbo siya bilang re-electionist.
Sinabi pa ng senador na ayaw niyang tumakbo sa mas mataas na posisyon dahil ayaw niyang gawin ang parehong pagkakamali ng ibang elected officials na nasa unang termino pa lang ay tumakbo na sa mas mataas na pwesto at dito na sila bumagsak.
Bukod dito, mas maraming sakit sa ulo kapag tumakbo siya sa pagiging pangulo.
Pagbibigay-diin pa ni Sen. Raffy na kahit umabot hanggang langit ang resulta ng kaniyang survey ay hindi magbabago ang kanyang isip at marami naman aniyang pwedeng makatapat kay VP Sara tulad ni dating Vice President Leni Robredo, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Bam Aquino, dating Sen. Antonio Trillanes IV, Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla, Department of Public Works And Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon, dating Philippine National Police Chief Nicolas Torre III, at Baguio Mayor Benjamin Magalong.










