
Ang Office of Civil Defense (OCD) kasama ng mga member agencies ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay magsasagawa ng pangalawang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill ngayong araw sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Kung saan opisyal na susundan ito ng paglulunsad ng Harmonized National Contingency Plan (HNCP) para sa mga high-intensity na lindol sa Greater Metro Manila.
Kasama rin dito ang tabletop exercise simulation ng magnitude 7.2 earthquake dulot ng paggalaw ng West Valley Fault.
Layon ng HNCP na kung sakaling mangyari ang “The Big One”, didiktahan nito kung paano kikilos ang mga kalapit rehiyon sa Metro Manila pati na sa Region 3 at 4A para makapagbigay ng agarang search, rescue and operational support.
Ayon sa OCD, magsisilbi itong blue print o detalyadong plano para sa survival at recovery sa mga nasabing rehiyon.
Samantala, ang tabletop exercise naman na isasagawa ay para masubok ang HNCP.
Nagpaalala naman si Civil Defense Administrator Undersecretary Harold Cabreros na ang lindol ay maaaring mangyari sa anumang oras at sa iba’t ibang parte ng bansa kaya mahalaga ang pagiging handa at dapat alamin ang mga dapat gawin bago, habang, at matapos ang lindol.










