Tinupok ng apoy ang isang pribadong establisimyento at heritage sugarcane mill sa Brgy. Buneg, Pozorrubio, Pangasinan bandang alas-7:30 ng gabi noong Mayo 28, 2026.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-8:10 ng gabi nang maireport sa kanilang himpilan ang insidente at agad itong nirespondehan ng mga bumbero.
Umabot sa first alarm ang sunog at tumagal ng halos tatlong oras bago tuluyang naapula.
Sa ibinahaging datos ng Tourism Operations Office ng bayan, apat na storage house na naglalaman ng tone-toneladang sugarcane husks ang naapektuhan sa sunog na nagdulot ng tinatayang mahigit ₱20,000 na pinsala habang hindi naman umano nadamay ang mga makinarya ng mill.
Bahagi umano ng cultural tourism landmarks ng bayan ang naturang establisyemento na sentro ng sugarcane farming at processing ng tubo.
Samantala, kasama sa rumesponde ang Philippine National Police (PNP). Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








