Umaabot sa tinatayang 900 sako ng refined salt ang naipoprodyus kada buwan mula sa Libring Salt Refinery sa Barangay David, Mangaldan na patuloy na isa sa mga aktibong industriya ng pag-aasin sa bayan.
Ayon sa ulat, ang operasyon ay gumagamit ng tradisyunal na paraan ng pagpoproseso ng asin na isinasagawa sa pasilidad, na matagal nang bahagi ng lokal na industriya.
Ipinapadala at ibinibenta ang produkto sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na nakatutulong sa pagtiyak ng suplay ng asin sa merkado.
Malaki rin ang naiambag ng industriya sa kabuhayan ng mga residente at sa pag-angat ng lokal na ekonomiya sa Mangaldan bilang pangunahing sangkap sa ‘one town, one product’ ng bayan na Pindang o Tapa.
Nitong Huwebes, nagtungo ang mga kinatawan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – National Capital Region upang silipin at aralin ang proseso, sistema at teknolohiya na ginagamit sa produksyon ng asin sa refinery bilang dekada nang bihasa sa industriya.
Patuloy ang suporta ng lokal na pamahalaan sa mga industriyang gaya nito na itinuturing na isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan sa bayan, habang hinihikayat ang pagpapaunlad pa ng produksyon upang mapanatili ang kalidad ng lokal na asin mula sa Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







