Magkakasunod na insidente ng text scam ang naitala sa Manaoag matapos makatanggap ng magkakaparehong mensahe ang dalawang residente na nagsasabing may kinahaharap umano silang kaso at posibleng maaresto.
Sa magkahiwalay na insidente noong Mayo 27 at 28, nakatanggap ang mga biktima ng text message na nagpapakilalang mula umano sa mga ahensya ng gobyerno. Kalakip umano sa mensahe ang pekeng subpoena at babala ng agarang pag-aresto kung hindi makikipag-ugnayan.
Sa isa sa mga kaso, hinihingan pa umano ng pera ang biktima kapalit ng sinasabing “areglo” upang hindi na matuloy ang kaso.
Dahil sa magkakasunod na insidente, pinaalalahanan ng kapulisan sa Manaoag ang publiko na maging mapanuri sa mga mensaheng gumagamit ng pangalan ng mga ahensya ng gobyerno upang manakot at manghingi ng pera.
Binigyang-diin din ng mga awtoridad na hindi ipinapadala sa pamamagitan lamang ng text message ang mga legal na dokumento gaya ng subpoena at warrant of arrest.
Nanawagan naman ang Manaoag police na agad ireport sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang mensahe upang maiwasan ang panibagong mabiktima ng kaparehong modus. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







