HIGIT ₱242K SHABU, NASAMSAM SA ISANG LOLO SA BUGALLON

Arestado ang isang 62-anyos na lalaki matapos isilbi ng mga awtoridad ang search warrant kaugnay ng ilegal na droga sa Barangay Salomague Sur, Bugallon, Pangasinan noong madaling araw ng Mayo 27.

Pinangunahan ng Bugallon Police Station katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency ang operasyon laban sa suspek na residente ng nasabing bayan.

Batay sa ulat ng pulisya, narekober sa operasyon ang 52 pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 35.6 gramo at standard drug price na umaabot sa mahigit ₱242,000.

Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang iba’t ibang drug paraphernalia at iba pang kagamitan na may kaugnayan umano sa ilegal na droga.

Dinala ang suspek at mga nasamsam na ebidensya sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Inihahanda na rin ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa naarestong suspek para sa inquest proceedings. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments