
Nanindigan ang House prosecution panel na malaki ang naitulong ng affidavit o salaysay ni Arturo Lascañas sa pagtukoy ng National Bureau of Investigation (NBI) kung gaano kaseryoso ang banta ni VP Duterte na ipapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay House prosecution legal Spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., malinaw sa naging pahayag ni NBI Director Melvin Matibag sa impeachment trial na nakatulong ang affidavit ni Lascañas sa pagsisiyasat para maikonsiderang seryoso, aktuwal, nagpapatuloy, at umabot na sa level ng national security concern ang banta sa buhay ni PBBM at sa kanyang pamilya.
Dagdag pa ni Tolosa, kahit hindi notaryado ang isang dokumento tulad ng affidavit ni Lascañas ay hindi ito dapat ituring na walang legal effect o parang basura.
Diin ni Tolosa, nanatiling malakas ang mga ebidensya na sumusuporta sa ikaapat na article of impeachment na kinapapalooban ng pagbabanta ni VP Duterte sa buhay ng Pangulo at iba pang personalidad.










