
Isiniwalat ni Senator Ping Lacson ang dalawa sa hinihinalang ghost infrastructure projects sa lungsod ng Taguig na balwarte ni Senator Alan Peter Cayetano.
Sa X post ni Lacson, tinukoy niya ang napakaraming slope protection at drainage prjects na nagkakahalaga ng P100 million bawat isa o katumbas ng mahigit P2 bilyon mula sa P6.79 billion na budget insertion ni Cayetano sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.
Sinabi ni Lacson sa kanyang post na wala nang atrasan sa pagsisiwalat pa ng mga ghost projects sa lungsod.
Idiniin ng senador na ang mga proyekto kabilang ang mga kinasangkutan ng kumpanyang pagmamay-ari ng pamilyang Discaya ay nagsimula pa noong 2019 at 2020 kung saan si Cayetano ang speaker ng Kamara.
Patuloy aniya siyang mangangalap ng mga ebidensya kaugnay sa budget insertions ni Cayetano kasama na rito ang 25 percent na kickback mula sa mga slope protection at iba pang infrastructure projects.
Sa ilalim pa ng P6.79 billion na budget insertions sa 2025 budget, 68 sa 70 proyekto ang naipatupad habang ang dalawang natitira na nagkakahalaga ng P75 million ay hindi nailabas o hindi naobliga ang pondo.










