
Nananatili ang tiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Department of Public Works And Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa kabila ng pagkakadawit ng pangalan nito sa umano’y anomalya sa pondo ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang dahilan para bawiin ng Pangulo ang tiwala hangga’t walang naipapakitang ebidensiyang nag-uugnay kay Dizon o sinumang miyembro ng gabinete sa anumang iregularidad.
Samantala, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na maaari nilang ipatawag si Dizon kung kinakailangan bilang bahagi ng imbestigasyon.
Kinumpirma rin ng Office of the Ombudsman na ibinasura na noong 2021 ang reklamong may kaugnayan sa 2019 SEA Games projects dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Si Dizon ang dating pinuno ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), na nangasiwa sa mga pasilidad na ginamit sa 2019 SEA Games.










