
Tuloy sa pagbiyahe ang ilang mga miyembro ng MANIBELA sa Nagtahan, Maynila sa kabila ng kanilang tigil-pasada.
Nagdesisyon ang ilan sa kanila na bumiyahe upang magkaroon ng kita, sa kabila ng kanilang pakikiisa sa ginagawang kilos-protesta ng kapwa nilang miyembro sa Quezon City.
Mahigpit na seguridad pa rin ang inilatag ng Manila Police District (MPD) upang masiguro na walang hindi inaasahang insidente ang maitatala kasabay ng tigil-pasada.
Wala naman naitalang stranded na pasahero sa ilang mga lugar pero nakahanda pa rin ang libreng sakay ng lokal na pamahalaan ng Maynila at MPD.
Ang libreng sakay ay isasagawa ngayong araw hanggang bukas kasabay ng tigil–pasada ng grupong MANIBELA.
Iikot ang libreng sakay sa Pureza, Sta. Mesa, Recto-Cubao via Nagtahan; Quiapo-Cubao via E. Rodriguez; Quiapo-Fairview; Kalentong-Pasig Palengke; at PITX-Lawton at vice versa.










