HVI ARESTADO, MAHIGIT P370K HALAGANG SHABU NASAMSAM SA BUY-BUST SA SAN ESTEBAN, ILOCOS SUR

Isang High-Value Individual (HVI) ang naaresto matapos ang matagumpay na buy-bust operation na isinagawa ng Ilocos Sur Police Provincial Office (ISPPO) sa Barangay Apatot, San Esteban, Ilocos Sur noong Hunyo 18.

Sa ulat ni Provincial Director PCOL Agosto M. Asuncion, pinangunahan ng Ilocos Sur Provincial Drug Enforcement Unit ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek at pagkakasamsam ng tinatayang 54.46 gramo ng hinihinalang shabu.

Narekober mula sa suspek ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga na may Standard Drug Price (SDP) na umaabot sa P370,328.00. Nakumpiska rin ang iba pang mga ebidensyang may kaugnayan sa operasyon.

Ayon sa ISPPO, malaking dagok ang pagkakasamsam ng naturang halaga ng ilegal na droga sa operasyon laban sa kalakalan ng droga sa lalawigan. Dagdag pa nito, nakatulong ang operasyon upang maiwasan ang pagkalat ng mga ipinagbabawal na gamot sa mga komunidad, lalo na sa mga kabataan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments