Agad na naaresto ng mga awtoridad ang suspek sa pagpatay sa isang lalaking natagpuang walang buhay sa loob ng isang bahay sa Brgy. Casilagan, Banayoyo, Ilocos Sur noong Hunyo 17, 2026.
Ayon sa Banayoyo Municipal Police Station (MPS), bandang tanghali nang matanggap nila ang ulat mula kay Barangay Kagawad Antonio Orpilla hinggil sa pagkakadiskubre sa bangkay ng biktima.
Sa isinagawang paunang imbestigasyon, natuklasang nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng ulo na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Mabilis na nagsagawa ng masusing pagtatanong sa mga saksi at follow-up investigation ang mga pulis, na nagresulta sa pagkakakilanlan ng suspek.
Kasunod nito, nagsagawa ng hot pursuit operation ang pinagsanib na pwersa ng Banayoyo MPS at Clustered KIMAT na nagbunga sa agarang pagkakaaresto sa suspek.
Sa imbestigasyon, inamin umano ng suspek ang krimen at sinabi nitong bunga ito ng matagal nang personal na alitan sa biktima. Kusang-loob din niyang isinuko sa mga awtoridad ang baril na ginamit sa pamamaril.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong Murder sa pamamagitan ng inquest proceedings. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










