Matagumpay na naisagawa ng 104.7 iFM Dagupan ang Lingap Kalikasan: Coastal Clean Up noong Sabado, Hunyo 6, 2026, sa Brgy. Bonuan Binloc Coastal Area, Dagupan City, bilang pakikiisa sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapanatili ng kalinisan sa baybayin.
Umabot sa 50 indibidwal ang nakilahok sa aktibidad upang mamulot ng basura at tumulong sa paglilinis ng coastal area. Layunin ng programa na mahikayat ang komunidad na maging aktibo sa mga gawaing pangkalikasan at isulong ang diwa ng bayanihan para sa mas malinis at ligtas na kapaligiran.
Sa panayam kay Brgy. Kagawad Rolly Clauna ng Brgy. Bonuan Binloc, nagpaabot ito ng pasasalamat sa iFM Dagupan at sa lahat ng nakiisa. Aniya, malaking tulong ang ganitong programa upang mapanatili ang kalinisan sa baybayin at mapalawak ang kaalaman ng mga residente sa tamang pagtatapon ng basura.
Nagpahayag din ng suporta ang Human Nature Dagupan bilang isa sa mga partner at sponsor ng aktibidad. Ayon kay Marketing Officer Ms. Calista Juguilon, tugma ang programa sa kanilang misyon at adbokasiya para sa pangangalaga ng kapaligiran. Namahagi rin sila ng hygiene kits na may hand soap at sanitizer bilang suporta sa kalinisan at kalusugan ng komunidad.
Samantala, binigyang-diin ni Engineer Daniel Rhey Rico, Section Head of Facilities Management and Engineering at ESG Champion ng The Medical City Pangasinan, ang mahalagang ugnayan ng malinis na kapaligiran at kalusugan ng komunidad. Aniya, kailangan ang sama-samang pagkilos upang maiwasan ang mga panganib na dulot ng maruming paligid.
Sa panayam kay volunteer Tiffany Gonzales, sinabi niyang masaya siyang naging bahagi ng coastal clean up dahil nakatulong sila sa paglilinis ng baybayin. Para sa kanya, paalala rin ito na may pananagutan ang bawat isa sa pangangalaga ng kalikasan.
Matapos ang coastal clean up, nagkaroon ng raffle para sa volunteers at mga dumalo, kung saan nakapamahagi ng 5 kilos of rice, rice soy, vitamins, at stuffed toys bilang simpleng pasasalamat sa kanilang pakikilahok. Naging bahagi rin ng programa ang Ma. Corrina Canoy Feeding Program, kung saan namahagi ng lugaw at pandesal bilang almusal pagkatapos ng paglilinis.
Ang naturang programa ay hatid ng 104.7 iFM Dagupan, Radio Mindanao Network, RMN Foundation, kasama ang The Medical City Pangasinan, Jose Jacintas Grill and Restaurant Poblacion Mapandan Pangasinan, Human Nature Dagupan, Hon. Councilor Atty. Joey Tamayo, Hon. Councilor Doc Jaja Cayabyab, Quinn’s Water Refilling Station – Dagupan City, at Chill and Grind Cafe.
Sa kabuuan, naging matagumpay ang Lingap Kalikasan: Coastal Clean Up ng iFM Dagupan dahil sa suporta ng barangay, partners, sponsors, volunteers, at iba pang nakilahok na nagpakita ng malasakit sa kalikasan at sa kapwa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








