BANGKAY NG 13-ANYOS NA NATANGAY NG AGOS SA MARUSAY RIVER SA CALASIAO, NATAGPUAN NA

Natagpuan na ang bangkay ng isang 13-anyos na Grade 8 student na nalunod sa Marusay River malapit sa San Vicente Bridge sa Brgy. Nalsian, Calasiao, Pangasinan.

Matapos ang puspusang rescue operation, narekober na ng mga rescuer bandang alas-7:40 ng umaga ang lumulutang na katawan ng biktima, na natagpuan may tinatayang 500 metro ang layo mula sa lugar kung saan ito huling nakita.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, alas-3 ng hapon kahapon nang magtungo sa ilog ang apat na menor de edad upang maligo. Habang nasa tubig, napunta umano ang biktima sa mas malalim na bahagi ng ilog bago tangayin ng malakas na agos.

Sinubukan pa umano siyang sagipin ng isa sa kanyang mga kasama ngunit nabigo ito dahil sa lakas ng agos. Agad namang humingi ng tulong ang mga bata sa mga awtoridad na nagsagawa ng search and rescue operation hanggang sa matagpuan ang labi ng biktima kinaumagahan.

Sa panayam ng IFM News Dagupan, sinabi ng pamunuan ng Barangay San Vicente na madalas tambayan at paliguan ng mga kabataan ang naturang bahagi ng ilog.

Bagama’t karaniwan umano ang mga naliligo sa lugar, sinabi ng barangay na bihira ang naitatalang insidente ng pagkalunod.

Dahil dito, paiigtingin ng barangay ang pagpapatrolya at pagpapatupad ng pagbabawal sa pagligo sa ilog para maiwasan ang kaparehong trahedya sa hinaharap. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments