Friday, June 5, 2026

𝗖𝗔𝗚𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗩𝗔𝗟𝗟𝗘𝗬, 𝗠𝗔𝗟𝗔𝗬𝗔 𝗡𝗔 𝗦𝗔 𝗜𝗡𝗦𝗨𝗥𝗛𝗘𝗡𝗦𝗜𝗬𝗔

Cauayan City – Pormal nang idineklara ang lambak ng Cagayan bilang insurgency-free at nasa State of Stable Internal Peace and Security (SSIPS), isang tagumpay sa kampanya ng pamahalaan laban sa insurhensiya sa rehiyon.

Ayon kay Cagayan Governor Edgar Aglipay, na siya ring chairperson ng Regional Peace and Order Council (RPOC), ang deklarasyon ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng mga ahensya ng pamahalaan, security forces, lokal na pamahalaan, at mga komunidad. Aniya, hindi ito katapusan ng laban para sa kapayapaan kundi simula ng mas malaking responsibilidad upang mapanatili ang kaayusan at maisulong ang kaunlaran sa rehiyon.

Sinabi naman ni Police Brigadier General Mariano Rodriguez ng Police Regional Office 2 na malaking bahagi ng tagumpay na ito ang patuloy na pagtitiwala at pakikipagtulungan ng mamamayan sa mga programa ng pamahalaan.

Binigyang-diin din ni Major General Gulliver Senires, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army, na patunay ang deklarasyon sa pagiging epektibo ng whole-of-nation approach sa pagtugon sa mga ugat ng insurhensiya kaya naman Tiniyak niya ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor upang mapanatiling ligtas at mapayapa ang rehiyon.

Kasabay ng deklarasyon, lumagda at nanumpa ang mga miyembro ng RPOC sa isang Pledge of Commitment bilang pagpapakita ng kanilang pagkakaisa at dedikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran sa buong Cagayan Valley.

Facebook Comments