Tuesday, June 2, 2026

Minorya, iginiit na “boycott” ang ginawang pagliban ng mayorya sa sesyon

Tinawag ng Senate Minority Bloc na “boycott” ang hindi pagsipot ng mayorya sa sesyon na nangyari matapos ang ginawang pagsuko ni Senator Jinggoy Estrada sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Sa inilabas na statement ng Solid Bloc 11 o SB11, iginiit nila na walang katotohanan na tungkol sa “independence” ang hindi pagdalo ng mayorya sa sesyon kundi ito ay isang boycott.

Punto ng minorya, ang nangyaring pag-aresto kay Estrada ay hinggil sa rule of law, public accountability at proseso ng Ombudsman at Sandiganbayan na naaayon sa batas, na walang sinumang senador, grupo o presiding officer ang may kontrol.

Dahil sa boycott ng mayorya, marami anilang mahahalagang panukalang batas ang nabinbing matalakay at maipasa kabilang ang Magna Carta of Barangay Health Workers, Anti-Hospital Detention Bill, kumpirmasyon ng mga heneral sa Commission on Appointments at panukalang pagkakaloob ng Philippine citizenship kina Bennie Boatwright III at Matthew James Ramos.

Iginiit ng SB11 na hindi dapat pilitin ang publiko na maniwala sa mga katwiran ng mayorya na pilit binabaluktot ang katotohanan.

Idiniin pa ng minorya na ang nangyari ngayon ay isang hakbang tungo sa accountability kaugnay sa isyu tungkol ng flood control projects na matagal nang ipinapanawagan ng publiko na maaksyunan kaya hindi katanggap-tanggap na ang pagtalima sa rule of law ay sasabihing isang pag-atake na sa Senado.

Facebook Comments