IKA-19 ALKALDE NG MANGALDAN, SUMAKAY NG PEDICAB PAPUNTA SA KANIYANG INAGURASYON

37
Pormal nang nanumpa sa harapan ng taumbayan si Mayor Bona Fe De Vera-Parayno bilang ika-19 na alkalde ng bayan ng Mangaldan sa ginanap na Inaugural Ceremony sa Presidencia De Mangaldan.
Nagsilbing administering officer si Hon. Judge Lordaliza Rivera-Mabborang sa nasabing oath taking ceremony.
Sakay ito ng isang pedicab kasama ang kaniyang asawa sa isang pang pedicab. Simbolo aniya ng pagbibigay importansya sa mga nasa laylayan tulad ng mga padyak at tricycle drivers.

Sa kanyang talumpati, nagpasalamat ang alkalde sa tiwalang ipinagkaloob ng taumbayan sa kanya upang muling makapalingkod.
Lubos aniya siyang nalulugod sa kanyang muling pagbabalik sa Presidencia De Mangaldan na tinawag niyang “tahanan” at ang taumbayan bilang kanyang “pamilya”.
Nanawagan rin ang alkalde sa mga nahalal na opisyal ng pagkakaisa at pagtutulungan, gayundin ang pagsasantabi ng pulitika at pagkakaiba-iba upang mas matutukan ang pagbibigay-serbisyong matibay, walang kapantay.
Bukod dito, binigyang-diin din ng alkalde ang hangarin nitong magkaroon ng transparency sa publiko, ugnay sa lahat ng mga proyekto ng lokal na pamahalaan maging sa mga transaksiyong pampinansiyal.
Mabusisi ring inilatag ni Mayor Bona ang mga programa at mga plano nito para sa bayan. Ilan lamang dito ang pagpapalakas ng revenue collection ng lokal na pamahalaan, pagpapatibay sa preemptive and force evacuation mechanisms at evacuation management upang maging disaster-resilient ang bayan, pagbibigay ng tulong at suporta sa mga kabataan, kababaihan, at senior citizens, pagtutuon ng pansin sa pangangailangan ng business owners gayundin ang tricycle at pedicab drivers, pagpapalakas ng turismo ng Mangaldan, at pagbuo ng aktibong local school board at municipal solid waste management board.
Kabilang din sa kanyang prayoridad ang programa sa pangkalusugan kung saan nakatakdang dagdagan ang bilang ng mga medical practitioners. | ifmnews
Facebook Comments