
Apektado ang biyahe ng limang domestic flights ng masamang panahon ngayong Miyerkules August 19.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa kanilang monitoring as of-9:30 ng umaga, kabilang sa mga kinansela ang Cebu Pacific flights mula Bacolod-Manila, Manila-Cauayan, Cauayan-Manila, Manila-Tuguegarao at Tuguegarao-Manila.
Ito ay dahil pa rin sa masamang lagay ng panahon sa Metro Manila.
Isang flight naman ng Central Airlines mula Zhuhai, China pa-Clark International Airport ang nagsagawa ng missed approach.
Kalaunan ay na-divert ang naturang flight sa Mactan Airport.
Ilang go-around flights din ang naitala kabilang ang Jeju Air mula Seoul patungong Angeles at mga flight ng Philippine Airlines, Cebu Pacific at Air Philippines Corporation na patungong Manila.
Ito ay dahil sa kawalan ng malinaw na visual sa runway dulot ng hindi magandang lagay ng panahon.
Sa ngayon, nakatutok pa rin ang CAAP sa sitwasyon habang nakaaapekto ang Bagyong Neneng at Habagat sa ilang bahagi ng bansa.










