
Kinalampag ni Senator Erwin Tulfo ang pamahalaan na aksyunan kaagad ang pagbibigay ng maayos na danyos sa mga biktima ng nasunog na passenger ferry na M/V June Aster.
Tinukoy ng senador na dumulog sa kanyang opisina ang mga bitkima dahil wala man lang tulong na ibinigay sa kanila ang kumpanya na Atienza Interisland Ferries Inc.
Iginiit ni Tulfo na kawalan ng hustisya ang hindi pagbabayad ng danyos sa mga biktima ng nasunog na barko.
Labis aniyang na-trauma ang mga survivors at mga naiwang pamilya ng mga biktima kaya hindi pwedeng manahimik at pabayaan na lamang ang mga ito.
Hindi aniya pwedeng palampasin ang trahedya at dapat na maaksyunan ito kaagad ng gobyerno.
Hinimok din ni Tulfo ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) na madaliin ang imbestigasyon kung ano ang pinagsimulan ng sunog at tiyaking mapapanagot ang kumpanya ng ferry sa kanilang kakulangan para sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga pasahero.










