
Nanawagan ang ilang grupo ng agarang pagkilos para matiyak na magiging bukas, mapayapa at ligtas para sa mga botante ang mga voting center sa Lanao del Sur bago ang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14.
Sa isang open letter kay Defense Secretary Gilberto Teodoro, hiniling ng United Coalition of Civic Organizations, Ulama, Professionals and Youth of Lanao del Sur na imbestigaham ang napaulat na pagtatayo ng mga harang na kawayan at mga kontroladong pasukan sa paligid ng mga voting center.
Ayon sa grupo, may mga ulat na isinasagawa ang ganitong konstruksyon sa halos lahat ng 40 local government areas sa Lanao del Sur, kabilang ang 39 munisipalidad at Marawi City.
Nababahala rin ang coalition sa dami ng mga sundalong nakatalaga sa lalawigan lalo na ‘t kinumpirma ng Philippine Army na may 10 infantry battalion na nasa Lanao del Sur, kasama ang mga armored at artillery unit.
Hiniling ng coalition kina Brig. Gen. Jessie Montoya ng 103rd Infantry Brigade at Brig. Gen. Yasser Bara ng 101st Infantry Brigade na linawin kung alam nila ang pagtatayo ng mga harang at kung may utos o patakaran mula sa Commission on Elections (COMELEC).
Bukod dito, din ng grupo kay COMELEC Chairman George Garcia na linawin kung pinayagan ng poll body ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines na magtayo, magbantay o kumontrol sa mga naturang harang.
Muling iginiit ng coalition na kailangan ang seguridad sa halalan ngunit hindi dapat maging hadlang ang mga ito sa malayang pagpasok ng mga botante sa polling places.










