Hati ang Opinyon ng mga Pangasinense patungkol sa panukalang naipasa ng senado na kung saan ang mga labing-pitong taong gulang pababa ay hindi na maaaring gumamit ng Social Media.
Ang panukala, na kilala bilang Senate Bill No. 2424 o Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces (SMART KIDS) Act, ay naglalayong palakasin ang proteksiyon sa mga kabataan laban sa masasamang epekto ng social media.
Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Migs Kho, sinabi nitong pabor siya sa panukala dahil maaari umano itong makatulong upang mailayo ang mga kabataan sa mga negatibong epekto ng social media, kabilang ang mga insidente ng karahasang may kaugnayan dito.
Samantala, hindi naman sang-ayon si Precious Heart Dela Vega sa panukala dahil naniniwala siyang may karapatan din ang mga kabataan na malaman ang mga nangyayari sa social media.
Para sa kaniya, mas mainam na turuan ang mga bata ng responsable at wastong paggamit ng mga social media platform kaysa tuluyan silang pagbawalan.
May ilan ding Pangasinense na hindi pabor sa panukala dahil nagsisilbi umanong paraan ang social media upang masubaybayan at makausap ng mga magulang ang kanilang mga anak, lalo na kung abala ang mga ito sa pang-araw-araw na gawain.
Sa kabilang banda, pabor naman ang ilan dahil makatutulong umano ang pagbabawal upang mailayo ang mga kabataan sa malalaswang video at maprotektahan sila laban sa mga taong maaaring magdulot ng panganib sa kanilang kaligtasan.
Sa ngayon, hindi pa ganap na batas ang panukala at kailangan pa itong sumailalim sa mga kaukulang proseso ng lehislasyon bago tuluyang maisabatas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








