Nag umpisa ng maghanda ang mga Cottage Owners dito sa Tondaligan Beach dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga Turista bunsod ng matinding init na dala ng El Niño.
Ayon kay Iryn Portugal, isang cottage owner sa nasabing beach, nagsimula na silang maghanda matapos mapansin ang pagdami ng mga bumibisita kasabay ng maalinsangang panahon.
Sa kabila nito, sinabi ni Portugal na nananatili sa dating halaga ang kanilang singil sa pagpapagamit ng mga cottage at wala pa silang ginagawang pagbabago sa presyo.
Bagama’t maaaring mabigat sa bulsa para sa ilang turista ang kanilang singil, kailangan umano nilang panatilihin ang kasalukuyang presyo dahil sa patuloy na pagtaas ng halaga ng mga pangunahing bilihin.
Tiniyak din ng mga cottage owner na malinis at maayos ang kanilang mga pasilidad upang maging komportable ang mga bibisita sa Tondaligan Beach.
Gayunman, nanawagan sila sa mga turista na pangalagaan ang mga gamit at pasilidad na kanilang gagamitin upang maiwasan ang pagkasira at karagdagang gastos sa pagkukumpuni.
Umaasa naman ang mga cottage owner na sa pamamagitan ng maagang paghahanda at maayos na pamamahala, mapananatili nila ang kanilang kabuhayan habang natitiyak ang kaligtasan at kasiyahan ng mga bisita. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








