Inilalapit ng Commission on Elections o COMELEC Dagupan City ang serbisyo ng voter registration sa mga senior citizen at persons with disabilities o PWDs sa pamamagitan ng Project H.O.M.E. o Home-based Outreach for Marginalized Electorate.

Dalawang indibidwal na may kapansanan ang nakinabang sa programa na naglalayong gawing mas accessible ang pagpaparehistro ng mga botante.

Kabilang dito ang isang 50-anyos na babae mula sa Mayombo na nakaranas ng stroke at kalauna’y na-diagnose na may brain cancer.

Sa tulong ng programa, nakapaghain siya ng aplikasyon para sa transfer of registration.

Samantala, isang 46-anyos na lalaki mula sa Tambac ang nakapaghain naman ng aplikasyon para sa unang beses na pagpaparehistro bilang botante, sa kabila ng kanyang orthopedic disability.

Ayon sa COMELEC, layunin ng Project H.O.M.E. na matiyak na walang kwalipikadong mamamayan ang maiiwan sa proseso ng halalan, anuman ang edad o pisikal na kalagayan.

Hinikayat din ang publiko na i-refer sa kanilang tanggapan ang mga senior citizen at PWD na maaaring makinabang sa programa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments