Ilang senador, kinalampag ang PNP sa pagtaas ng kidnapping cases sa bansa

Kinalampag ng ilang mga senador ang Philippine National Police (PNP) na tutukan ang nakakaalarmang pagtaas ng kaso ng kidnapping sa bansa.

Babala dito ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, kung hindi maaagapan ang kidnapping cases sa bansa ay tiyak na sisira ito sa imahe at sa ekonomiya ng bansa.

Iginiit ni Dela Rosa na konektado man sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) o hindi ang mga kaso ng kidnapping ay dapat itong maresolba agad dahil sa masamang epekto sa kabuuan ng bansa.

Aniya pa, sa halip na sumali sa usapin ng politika ang PNP ay mas makabubuting tutukan ng PNP ang tumataas na kaso ng kidnapping.

Samantala, sinabi naman ni Senator Sherwin Gatchalian na dapat na magimbal na ang mga alagad sa batas dahil sa pagbabalik ng kidnap-for-ransom.

Ang kailangan aniya rito ay mabilis na pagkilos ng mga otoridad sa pagtugis ng mga nasa likod ng krimen bago pa sila makapangbiktima ulit.

Facebook Comments