
Posibleng magsagawa muli ng pre-trial conference para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte (VPSD) kapag pumayag ang impeachment court na buksan ang kontrobersyal na selyadong kahon na naglalaman ng mga tax records ng bise.
Ayon kay Senate Impeachment Court-Clerk of Court Atty. Renato Bantug Jr., pupwede nilang buksan muli ang pre-trial conference sa susunod na linggo kung pahihintulutan ng mga senador na mabuksan ang nilalaman ng BIR box para mamarkahan.
Kahapon ay napagsarhan ng pre-trial conference ang hiling ng House prosecution team na pabuksan ang kahon mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na hiningan ng Kamara ng tax records ng mag-asawang VP Sara at Atty. Mans Carpio.
Ngayong araw naman magsusumite ang defense team ni VP Duterte ng komento ukol sa pagpapabukas ng naturang selyadong kahon.
Kasama ang BIR box sa listahan ng mga ebidensyang ipiprisinta ng prosekusyon bagaman ang impeachment court ang may authority na magpabukas nito.
Nauna namang iginiit ng House prosecution team na kung walang itinatago at kung malinis ang konsensya ng bise presidente ay dapat na hindi hadlangan ng depensa ang pagpapabukas ng BIR box para masuri ang mga dokumento.
Hindi naman maaapektuhan ang petsa ng impeachment trial sa July 6 sakaling magsagawa ng pre-trial conference sa susunod na linggo dahil pasok pa rin ito sa schedule.










