
Hiniling ni House Deputy Majority Leader at Pampanga 3rd District Rep. Mica Gonzales sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga lokal na pamahalaan na magtalaga ng mga barangay tanod sa bawat pampublikong elementarya at sekondaryang paaralan sa buong bansa.
Nakasaad ito sa House Resolution 1145 na inihain ni Gonzales, kasunod ng ilang insidente ng karahasan sa mga paaralan tulad ng pamamaril at pananaksak sa mga estudyante.
Ayon kay Gonzales, ang pagpo-post ng mga barangay tanod sa oras ng klase sa mga paaralan sa buong bansa ay tugon sa kakulangan ng mga security guard sa mga eskuwelahan.
Nakasaad sa resolusyon ni Gonzales na ang mga tanod na ilalagay sa mga paaralan ay sasailalim sa security at first-response training ng Philippine National Police (PNP).
Iminungkahi rin niya ang mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at mga lokal na barangay council para sa pagpapatupad ng istriktong screening protocols sa mga gate ng mga eskuwelahan upang matiyak na walang maipapasok na baril, patalim, at iba pang kagamitang maaaring magdulot ng panganib sa mga estudyante.










