Saturday, June 27, 2026

2 taxi driver na nanloko at umano’y nagnakaw ng cellphone ng 2 thai model, pina-iimbestigahan na ng LTFRB

Inaalam na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang pagkakakilanlan ng dalawang taxi driver, na nangingil umano nang sobra-sobra sa dalawang Thai pageant winner at model, na bumisita sa Pilipinas para sa isang event noong June 13.

Ayon sa LTFRB, tumanggi umanong gumamit ang driver ng taxi meter at nakipag negosasyon na lang sa dalawang biktima para makapag-set kung magkano ang babayaran.

Kalauna’y inihinto umano ng driver ang sasakyan dahil nasira umano ito, at nakipagsabwatan sa isa pang driver ng taxi para nakawin umano ang cellphone ng isa sa dalawang biktima.

Dismayado naman si LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II sa nasabing insidente, dahil nakakahiya umano ito para sa imahe ng Pilipinas.

Samantala, nakikipag-uganyan na umano ang ahensya sa Philippine National Police (PNP) para mapanagot ang mga driver, maging ang operator ng nasabing unit.

Hinimok din ni Mendoza ang sinumang nakakita sa nasabing insidente, na lumapit sa otoridad para sa nasabing imbestigasyon.

Facebook Comments