
Nanawagan si Department of the Interior and Local Government o DILG Secretary Jonvic Remulla sa mga mambabatas, na amiyendahan ang Implementing Rules and Regulations ng gun ownership sa bansa.
Ito ay para palakasin pa ang pangil ng batas at magkaroon umano ng malinaw na pananagutan o criminal liability ang mismong may ari ng baril na ginamit ng ibang tao sa pagkakasa ng krimen.
Isang halimbawa umano nito ay ang insidente ng pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Tacloban City, kung saan ang mismong nagmamay ari ng baril na ginamit sa krimen ay nahaharap lang umano sa kasong malversation at administratibo.
Gayunpaman, hindi umano nila ito masampahan ng criminal liability dahil labas umano ang may ari ng baril kung gagamitin ito ng ibang tao sa pagkakasa ng krimen, base na rin sa umano’y bitin na batas na umiiral sa bansa.
Samantala, sinabi naman ni Remulla na hindi lang dapat nakatuon sa edad ng kabataan ang pag-aamiyenda ng nasabing batas, bagkus ay kasali rin dapat umano ang pagkakaunawa at intensyon ng kabataan sa krimen.










