
Naglabas ng pahayag ang Manila Police District (MPD) kaugnay sa umano’y pagkawala ng dalawang cellphone sa gitna ng rally sa lungsod kasabay ng anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law sa bansa.
Ayon sa MPD, may isang cellphone na nakumpiska habang isinasagawa ang pag-aresto noon pero ibinalik din agad sa abogado na kasama ng inaresto at may kopya sila ng video na nagpapakita sa aktwal na pagsasauli nito.
Paglilinaw pa nila, hindi ito kasama sa dalawang cellphone na napaulat na nawawala.
Samantala, sinabi ng MPD na hindi sapat ang GPS location para patunayang nasa kustodiya ng mga pulis ang cellphone o sila ang kumuha matapos ilabas ng grupong SPARK sa social media na nakita ang location nito sa labas ng Camp Crame.
Hindi pa rin anila natutukoy ngayon kung talagang kinuha ang dalawang cellphone o kaya naiwan o tuluyang nawala.
Nanawagan naman ang MPD ng patas na imbestigasyon at handa raw silang isumite ang video, GPS records at maging mga pahayag ng mga may-ari at saksi para matukoy kung ano ang totoong nangyari at kung may dapat managot.
Una nang dumulog sa National Police Commission (NPC) ang SPARK para pa-imbestigahan ang insidente na nag-ugat nang magkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga pulis at raliyista sa kasagsagan ng pag-aresto sa aktibistang nag-spray paint sa gitna ng rally.









