Pinalalawak ng pamahalaan ang kakayahan ng mga Pilipino sa space science and technology, kabilang ang pagsasanay para sa mga misyon sa kalawakan, kasabay ng pagpapalakas ng kakayahan ng bansa sa pagharap sa mga kalamidad.
Ito ang tinalakay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa pakikipagpulong sa Filipino analog astronauts at mga opisyal ng Philippine Space Agency (PhilSA) sa Malacañang.
Kabilang sa mga nakaharap ng pangulo si Kristine Jane Atienza, ang unang Pilipinong nakakuha ng commercial spaceflight certification at nanguna sa isang analog space mission sa Hawaii.
Target ni Atienza na maging kauna-unahang Pilipino sa kalawakan sa pamamagitan ng SERA Space Program at Blue Origin.
Tinalakay rin ang mga susunod na programa ng PhilSA, kabilang ang ANAHAW, na nagsasanay sa mga Pilipino sa pananaliksik at operasyon na may kaugnayan sa human spaceflight.











