
Mariing tinuligsa ni Pwersa ng Pilipinong Pandagat (PPP) Party-list Representative Harold Duterte ang pasya ng Impeachment Court kaugnay sa nararapat na bilang ng boto para sa paghatol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Malinaw para kay Congressman Harold na political convenience at political assassination ang pasya ng 13 sa 24 na mga senator-judges na ibaba ang voting threshold sa impeachment trial ni VP Sara.
Ayon kay Rep. Duterte, taliwas ito sa nakasaad sa Konstitusyon na 2/3 ng lahat ng mga senador ang botong kailangan para ma-convict si VP Sara.
Kapuna-puna rin para sa Rep. Harold, na ang pagbaba sa voting threshold ay konektado sa mga hakbang laban sa ilang senador.
Pangunahing tinukoy ni Rep. Harold ang pagtugis kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, pagsasampa ng kasong plunder kina Senators Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada, gayundin ang pagbabato ng mga akusasyon kina Senators Mark at Camille Villar at Loren Legarda.
Ipinunto ni Rep. Duterte, na lahat ng ito ay ikinasa habang wala pa ring isinasampang kaso sa karamihan sa mga majority senators na isinasangkot sa flood control scandal.
Sa kabila nito ay umaasa pa rin si Cong. Harold na mananaig ang kanilang sinumpaang pagsuporta at pagtatanggol sa Konstitusyon laban sa politika.










