
CAUAYAN CITY – Isang malaking hukay na may sukat na 500 square meters at ilang metro ang lalim ang natuklasan sa barangay Abinganan, Bambang, Nueva Vizcaya, matapos madakip ng mga awtoridad ang isang lalaking nagsasagawa ng ilegal na pagmimina sa lugar.
Ayon kay Community Environment and Natural Resources Officer (CENRO) Aritao Lensy Bunuen, noong Disyembre nang maghain ng reklamo ang mga residente at magsasaka sa bayan ng Bambang.
Iniulat ng mga ito ang kawalan ng suplay ng tubig na pinaniniwalaang sanhi ng malaking hukay na natuklasan.
Paliwanag din ni Bunuen, walang Environment Clearance Certificate (ECC) ang nasabing aktibidad, kaya’t ito ay labag sa mga regulasyon.
Samantala, ipinadala naman ng CENRO Aritao ang mga sample ng mineral ore na nakita sa lugar sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) upang masuri ang mga ito.