
Itinanggi ng Senate Impeachment Court na si Presiding Officer Chiz Escudero ang pumipigil sa pagtestigo ni dating Senator Antonio Trillanes IV sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Iginiit ni Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na ang mga ganitong impormasyon ay hindi dapat agad pinaniniwalaan.
Diin ni Tongol, walang pumipigil sa pagpiprisinta kay Trillanes at katunayan ang hindi pag-isyu ng subpoena noong una sa dating senador ay dahil na rin sa request ng prosecution team.
Sinabi ni Tongol na madaling gumawa ng kuwento pero mahirap itong mapatunayan at batid naman na ang ilang nagpapakalat ng kuwento ay mga abogado pa.
May paalala naman ang tagapagsalita ng Impeachment Court sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon lalo sa mga abogado na mag-ingat para hindi matuloy sa disbarment.










