
Nagpatupad ang Malacañang ng alternative work arrangements sa mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila at 14 na lalawigan bukas, Agosto 18, dahil sa patuloy na malakas na pag-ulan dulot ng habagat.
Kabilang sa sakop ang Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Benguet, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna at Occidental Mindoro.
Patuloy namang magtatrabaho ang mga ahensyang nagbibigay ng basic at health services, disaster response at iba pang mahahalagang serbisyo.
Para sa mga paaralan, ipatutupad ang alternative learning modes, maliban kung may ibang direktiba ang mga lokal na opisyal.
Sa ibang lugar, maaaring magpatupad ng suspensyon ng klase o trabaho ang mga lokal na pamahalaan.
Samantala, nasa desisyon ng management ng mga pribadong kumpanya kung magpapatupad ng work suspension o alternative work arrangement.










