Tuesday, April 21, 2026

Pinasasauli ng COA na pondo kay VP Duterte, aabot sa ₱448 milyon

Inihayag ni Terry Ridon na aabot sa ₱448 milyon ang halagang pinapasauli ng Commission on Audit (COA) kay Sara Duterte, batay sa Notice of Disallowance na may petsang March 31, 2026.

Saklaw nito ang ₱375 milyon na binubuo ng tatlong magkakahiwalay na cash advances na tig-₱125 milyon para sa confidential expenses mula February hanggang September 2023.

Batay sa COA–Intelligence and Confidential Funds Audit Office, hindi nasunod sa paggastos ng naturang pondo ang Joint Circular No. 2015-01.

Ayon kay Ridon, bukod pa ito sa ₱73 milyon na disallowance na may kaugnayan sa 2022 confidential funds.

Kabilang sa findings ng COA ang maling paghawak ng cash advances, pagkabigong patunayan ang matagumpay na confidential operations, paglalabas ng pondo na walang sapat na dokumento, at mga ipinagbabawal na paggastos.

Bukod kay Duterte, tinukoy rin ng COA na accountable sa naturang pondo sina Gina Acosta, Julieta Villadelrey, at Raymund Dante Lachica.

Facebook Comments