Friday, April 24, 2026

Pagpapa-uwi sa bansa kay Zaldy Co, ginagawan na ng paraan ng DOJ

Nakaalis na ng bansa si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan patungo sa Czech Republic upang makipagpulong sa Ministry of Justice ng nasabing bansa.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), layunin ng biyahe na pag-usapan ang proseso ng pagpapa-uwi kay dating kongresista Zaldy Co.

Una nang inamin ng DOJ na may mga umiiral na batas at legal na proseso sa Czech Republic na kailangang isaalang-alang bago maibalik si Co sa Pilipinas.

Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Jose Dominic Clavano, hindi agad maaaring maibalik sa bansa si Co dahil sakop siya ng mga batas ng Czech Republic.

Ipinaliwanag ng DOJ na kailangang dumaan sa tamang legal na proseso ang kaso, kabilang ang extradition o deportation, na nangangailangan pa ng pahintulot ng mga awtoridad ng Czech Republic.

Patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan ng Pilipinas sa mga opisyal ng Czech Republic upang mapabilis ang proseso, ngunit nilinaw na hindi ito agad matatapos.

Wala pang tiyak na petsa kung kailan maipapauwi si Co sa bansa, dahil posibleng tumagal ang proseso depende sa desisyon ng korte at mga awtoridad sa Czech Republic.

Giit ng DOJ, kailangang igalang ang soberanya at mga batas ng ibang bansa habang isinusulong ang pag-uwi ng dating kongresista.

Facebook Comments