
Kinalampag ni Senator Raffy Tulfo ang Department of Labor and Employment (DOLE) na gumawa ng matapang na hakbang laban sa mga employers na nagpapatupad ng 5-5-5 scheme o palima-limang buwan na kontraktwalisasyon para makaiwas sa pagreregular sa mga empleyado.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development na pinamumunuan ni Tulfo, kinwestyon niya ang DOLE kung bakit hinahayaan at talamak pa rin ang 5-5-5 na sistema lalo na sa mga food at manufacturing industries.
Sa kabila ng katwiran ni DOLE Usec. Benedicto Bitonio Jr. na bawal ang ganitong gawain sa mga kumpanya, hindi naman ito tinanggap ni Tulfo.
Sinabi ni Sen. Raffy na kapag nag-inspeksyon ang mga taga DOLE, ay employers o HR lang ang kinakausap at hindi ang mga empleyado at paglabas ng opisina ay may bitbit pang sobre.
Hinamon ng mambabatas ang DOLE na sampulan, sibakin at parusahan ang kanilang mga inspector na tumanggap ng suhol sa mga employers sa kabila ng mga sumbong ng mga empleyado.










