
Naniniwala si Rodante Marcoleta na may mga praktikal at agarang hakbang na maaaring gawin ang pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Sa isang kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni Marcoleta na dapat suriin ng gobyerno ang mga alternatibong suplay ng diesel, kabilang ang direktang pag-angkat gamit ang tinatawag na tank-to-vessel procedure.
Ayon sa senador, may dalawang importer umano na nakikipag-ugnayan sa kanya, at inaasahang darating sa April 25 ang isang Australian informant na nagbigay ng impormasyon tungkol sa naturang sistema ng pagkuha ng langis.
Giit pa niya, batay sa datos na kanyang nakita, posibleng bumaba sa P60 hanggang P61 kada litro ang diesel sa ilalim ng naturang setup, kumpara sa kasalukuyang presyo na umaabot umano sa P110 hanggang P120 kada litro.
Iginiit ni Marcoleta na kung mapapatunayan ang naturang datos, maaaring mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mabawasan ang pasanin ng publiko.
Gayunman, kung mabigo ang ganitong hakbang, sinabi ng senador na maaaring ikonsidera ang mas matinding interbensyon ng pamahalaan sa ilalim ng Oil Deregulation Law.
Dagdag pa niya, pinahihintulutan ng batas ang estado na pansamantalang umako ng operasyon ng mga industriya na apektado ng pambansang interes sa panahon ng national emergency, kabilang ang sektor ng langis.










