
Arestado ang isang babaeng pasahero matapos umanong magbiro tungkol sa bomba habang sakay ng eroplano sa Daniel Z. Romualdez Airport sa Tacloban City.
Ayon sa ulat, humingi ng tulong ang pasahero sa cabin crew upang maibalik ang laptop na naiwan niya sa departure area.
Matapos itong matagpuan, pinabuksan sa kanya ang laptop para sa beripikasyon.
Dito umano niya sinabi ang katagang, “Ay, may bomba ‘yan.”
Dahil dito, agad na ipinatupad ng mga awtoridad ang standard security protocols at inaresto ang pasahero ng mga tauhan ng Philippine National Police Aviation Security Group o AVSEGROUP.
Inihahanda na ng PNP-AVSEGROUP ang kasong maaaring isampa laban sa pasahero dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Muli namang binigyang diin ni PNP-AVSEGROUP Director Police Brigadier General Dionisio Bartolome Jr. na walang puwang ang mga bomb joke sa mga paliparan at mananatiling mahigpit ang pagpapatupad ng seguridad para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng pasahero.










