
Ipinag-utos ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa lahat ng ahensya ng DA na ugaliing i-update ang mga plano gamit ang bagong datos sa panahon, pananim, at tubig.
Ito ay para mapaghandaan ang posibleng banta ng kakulangan at pagtaas ng presyo ng bigas dahil sa nanganganib na produksyon ng palay bunsod ng El Niño o tagtuyot sa buong mundo.
Kabilang sa paghahanda ng ahensya ay ang pagpapalakas ng irigasyon, cloud seeding, at solar irrigation, maging ang paghihikayat sa publiko na magtipid sa paggamit ng tubig.
Dagdag pa rito, mamimigay rin umano ang ahensya ng binhing matibay sa tagtuyot, crops insurance at emergency na tulong pinansyal sa mga magsasaka.
Paliwanag ni DA Secretary Laurel, kailangang magsilbing aral ang nagdaang matinding tagtuyot sa bansa, na nagtapos sa kalagitnaan ng 2024 at nagresulta ng mataas na presyo ng bigas at iba pang bilihin, para makapagplano ng mas maaga at maiwasan ang nasabing mga banta.
Matatandaang bumagsak sa 4.85% ang ani ng palay sa bansa noong 2024 dahil sa masamang panahon.
Tumaas din ng 21% ang presyo ng bigas sa mundo dahil sa tagtuyo’t at pagbabawal ng India sa pag-export ng bigas, base sa report ng Food Agricultural Organization noong nakaraang El Niño.
Matatandaang nauna nang nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na mas lalong palalalain ng tagtuyot ang Inflation.










